
Mga OFW na tagasuporta ni Pastor Apollo Quiboloy, pinaigting ang pangangampanya sa buong U.S.A.
Posted: February 19, 2025
February 19, 2025 – Patuloy na lumalawak at lumalakas ang suporta para sa kandidatura ni Pastor Apollo C. Quiboloy bilang senador sa darating na 2025 elections. Kamakailan lamang, ang mga dedikadong tagasuporta ng butihing pastor ay naglaan ng kanilang oras at lakas upang ikampanya ito sa iba’t ibang bahagi ng United States of America.
Nagkaisa ang mga OFW at miyembro ng The Kingdom of Jesus Christ (KOJC) upang ikampanya ang mga plataporma ni Pastor Quiboloy kabilang dito ang kanyang adhikain para sa Zero Corruption, Poverty Reduction at Peace and Order. Ang mga tagasuporta ay aktibong nagbahagi ng mga flyers, nagsagawa ng mga pulong, at nagpakita ng kanilang buong suporta sa pamamagitan ng social media.
Kasama ang mga tinaguriang ‘purple army’ o mga OFW na tagasuporta ni Pastor Apollo C. Quiboloy mula sa Southern California, umabot ang pangangampanya para sa butihing pastor sa mga pangunahing lungsod tulad ng Los Angeles, Orange County, San Diego, at North Hollywood.
Sa Northern California, mas lalong sumigla ang kampanya sa Bay Area at Delano, kung saan maraming Pilipino ang nagpahayag ng kanilang buong suporta.
Sa Midwest, walang tigil ang pagkilos ng mga tagasuporta sa Chicago, Illinois, at Oklahoma City, Oklahoma, na patuloy na nagkakaisa upang ipalaganap ang mensahe ng pagbabago.
Sa East Coast, sa kabila ng malamig na panahon, nananatiling matatag ang kampanya sa Virginia Beach, Virginia, North Carolina, at New York, kung saan ramdam ang dedikasyon ng mga tagasuporta.
Sa Timog, lumawak ang kilusan sa Austin at Houston, Texas, kung saan maraming Pilipino ang patuloy na nagpapakita ng kanilang suporta para kay Pastor Apollo C. Quiboloy.
Maging sa Las Vegas, Nevada, tuloy-tuloy ang pamamahagi ng flyers at iba pang aktibidad upang ipalaganap ang kanyang mga plataporma.
At ngayon, sa Hawaii, lalo pang nararamdaman ang lumalawak na suporta para kay Pastor Apollo C. Quiboloy. Ayon sa World Population Review, ang isla ng Hawaii ay tahanan ng higit tatlundaan at animnapung libong Pilipino na karamihan ay Ilocano at Bisaya.
Ang kampanyang ito ay hindi lamang simpleng pagpapakita ng suporta—ito ay isang malawakang pagkilos ng pagmamahal at paniniwala sa liderato ni Pastor Quiboloy. “Hindi lang po ito tungkol sa pananampalataya, kami ay naniniwala na si Pastor Quiboloy ang magdadala ng tunay na pagbabago sa Pilipinas,” ayon kay Paolo Calzo, isang lider sa KOJC sa Estados Unidos.
Naniniwala ang mga Pilipino sa Estados Unidos na si Pastor Quiboloy ay isang tunay na lider na may malasakit at tapang. “Si Pastor Quiboloy ay hindi lamang isang espirituwal na lider, siya ay tagapagtaguyod ng pag-unlad. Alam namin na sa kanyang pamumuno, magkakaroon ng tunay na pagbabago sa ating bansa,” pahayag naman ng isang OFW mula sa Orange County.
Bukod pa rito ay pinasinungalingan rin ng ilan sa mga OFW ang mga batikos laban sa butihing Pastor. “Hindi ako naniniwala sa mga kaso na ‘yan, Gawa-gawa lang naman ‘yan. Inaatake lang nila si Pastor dahil malapit sa mga Duterte,” tugon ng tagasuporta ni Pastor Apollo Quiboloy sa Los Angeles.
Sa kabuuan higit dalawandaan at limampung libong Pilipinong botante ang nakarehistro sa Comelec sa bahagi ng North at South America kung saan nakapaloob ang Estados Unidos.